Mag-asawang senior tinadtad ng bala!

Natagpuang naaagnas na
MANILA, Philippines — Natagpuang patay na nagsisimula nang maagnas ang mga katawan ng isang mag-asawang matanda matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga salarin sa isang liblib na lugar sa Brgy. Palacapao, Quezon, Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 66-anyos na babae at 63-anyos na lalaki na kapwa may mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report ng Quezon Police, nadiskubre ang krimen may dalawang araw na ang nakalilipas matapos na magtungo ang pamangkin ng mag-asawang matanda sa tahanan ng mga ito sa nasabing lugar.
Nagtataka umano ang pamangkin ng mga biktima kung bakit hindi lumalabas ng kanilang tahanan ang mag-asawang matanda.
Dahil dito ay tinungo na nito ang bahay ng magasawa at dito’y napansin na bukas ang pintuan kaya tuluy-tuloy na pumasok sa loob ng bahay.
Nabulaga naman ang pamangkin ng mag-asawa nang madiskubre ang bangkay ng mag-asawang matanda na nagsisimula ng maagnas.
Narekober naman ng nagrespondeng mga awtoridad ang apat na basyo ng bala ng cal. 45 pistol sa crime scene at casing ng nasabing armas.
Ayon sa Bukidnon Police, ang mga narekober na basyo ng bala at casing ng cal. 45 pistol ay krusyal sa pagsisiyasat para matukoy ang salarin.
Samantala, pinawi ng pulisya ang anggulo ng pagnanakaw sa insidente dahil walang nawawala sa kagamitan ng mga biktima.
Patuloy ang masusing imbestigasyon sa kasong ito upang matukoy at masakote ang salarin at mabigyang hustisya ang sinapit ng mag-asawa.
- Latest























