Kabaong sa gilid ng kalsada, ibinandera

Babala sa ‘reckless driving’
BOKOD, Benguet, Philippines — Kapansin-pansin sa mga motorista na pumapasok at dumaraan sa Benguet–Nueva Vizcaya Road sa Bokod, Benguet matapos na isang “kabaong” na naka-display sa tabi ng kalsada ang pambungad sa kanila bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa “reckless driving” na sanhi ng mga road accidents sa lugar.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Ambuclao sa bayan ng Bokod, ang “roadside coffin” ay nagsisilbing simbolo at babala na sa isang kaunting pagkakamali at kapabayaan ng isang motorista sa kalsada ay maaaring mauwi sa trahedya.
Ang stretch ng highway na may pakurba at mahirap na madaanan ay naitala na madalas na magkaroon ng mga aksidente sa loob ng maraming taon na.
Ipinaliwanag ng mga barangay officials na ang paglalagay nila ng kabaong sa nasabing lugar ay hindi upang manakot o makasakit sa publiko kundi isa itong paalala para sa kahalagahan ng pagdahan-dahan sa pagmamaneho, pag-obserba sa traffic regulations at mapanatili na alerto habang bumabagtas sa bulubunduking daan.
Ang larawan ng nasabing nakabanderang kabaong ay trending naman sa social media matapos itong mai-post ng barangay’s official sa Facebook page.
- Latest























