Gatchalian presiding officer sa Sara trial

MANILA, Philippines — Pamumunuan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Senate impeachment court sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte, taliwas sa mga naunang ulat na pinag-iisipan ng majority bloc na italaga si Sen. Chiz Escudero sa naturang posisyon.
“Under our rules, ang Senate President ang magpe-preside,” sabi ni Gatchalian sa dzMM nitong Biyernes, Hulyo 3.
Bukod sa paghahanda ng mismong bulwagan ng Senado, pinag-aaralan na rin niya ang mga teknikalidad ng pamumuno sa Senate impeachment court, pati na rin ang merito ng kaso.
Ayon kay Gatchalian, inaasahang dadalo sa pagsisimula ng impeachment trial sa Lunes ang lahat ng nahalal na senador, maliban kina Sen. Ronald Dela Rosa, na nagtatago pa rin, at suspendidong si Sen. Jinggoy Estrada.
Sa kasalukuyan, 22 lamang na senador ang inaasahang magsisilbing senator-judges sa impeachment proceedings.
Patuloy na nagtatago si dela Rosa upang makaiwas sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court. Samantala, si Estrada ay suspendido sa loob ng 90 araw at muling nakakulong kaugnay ng kanyang kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y korapsyon sa mga proyekto sa flood control.
Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian na hindi pa tatalakayin sa unang araw ng impeachment proceedings ang usapin tungkol sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction. “May tamang araw at tamang panahon para pag-usapan ‘yan,” ani Gatchalian.
Anya, ang 92-araw na impeachment proceedings ay maaaring tumagal ng pito hanggang walong buwan.
Isasagawa ang mga pagdinig tuwing Lunes hanggang Miyerkules, alas-2 ng hapon. Magbabago ang iskedyul at magiging Martes hanggang Huwebes matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Magiging bukas sa publiko ang Senate impeachment court, na may nakalaang 61 upuan para sa mga manonood. Sinabi rin ng mga House prosecutors na ipapalabas ang paglilitis sa magkahalong wikang Ingles at Tagalog upang mas madaling maunawaan ng publiko.
Samantala, nagdaos ng caucus ang mga senador sa Senate lounge nitong Biyernes, Hulyo 3, upang talakayin ang paghahanda para sa impeachment trial ni Duterte. Kabilang sa dumalo mula sa majority bloc sina Gatchalian, Tito Sotto III, Migz Zubiri, Ping Lacson, JV Ejercito, Risa Hontiveros, Erwin Tulfo, at Chiz Escudero. Sa minority bloc ay sina Robin Padilla at Loren Legarda.
- Latest





















