Permit sa 3rd day rally ng INC binawi ng Quezon City
MANILA, Philippines — Binawi na ang permit para sa ikatlong araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Huwebes.
Ito ang kinumpirma ni Quezon City Department of Public Order and Safety chief Ret Gen. Elmo San Diego kasunod ng mga reklamong natatanggap ng law and order cluster.
Sa ngayon ay naka-hold ang naturang permit habang hinihintay ang mga susunod na desisyon at kaukulang koordinasyon kaugnay ng aktibidad.
Una nang hiniling ng INC ang extension hanggang Hulyo 3, subalit sinabi ni San Diego na depende ito sa assessment nila sa sitwasyon.
Aniya, itinuturing na nilang “water under the bridge” o tapos na ang naturang insidente ang biglaang rally ng INC nitong Martes.
Natuloy naman ang pagtitipon ng INC sa People Power Monument nitong Miyerkules kung saan ang iba ay nag-overnight pa upang ipakita ang kanilang suporta kay Senador Rodante Marcoleta na nahaharap sa kasong plunder.
Sa pinakahuling tala ng Quezon City Police District bandang alas-6:00 ng gabi, umaabot sa 9,000 ang mga dumagsa sa PPM habang nasa 2,500 pulis naman ang ikinalat sa bisinidad.
Inutos naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang patuloy na pagbabantay sa lugar at pagpapairal sa maximum tolerance sa mga raliyista.
Nagdoble naman ng higpit ang Manila Police District (MPD) sa Mendiola kasunod ng pagpapatuloy na rally ng INC upang protektahan si Marcoleta na inaasahang mahaharap sa kasong plunder.
- Latest















