34 PUV operators pinagpapaliwanag sa ‘di pagbiyahe

Sinabayan ‘emergency rally’ ng INC
MANILA, Philippines — Pinadalhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause orders (SCO) ang 34 na operator ng mga pampublikong sasakyan dahil sa umano’y hindi pagbiyahe noong Martes at pagdalo sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quezon City.
Ayon sa LTFRB, kabilang sa mga pinadalhan ng SCO ang mga operator ng bus at UV Express. Bagama’t kinikilala ng ahensya ang karapatan ng bawat isa na lumahok sa mapayapang pagtitipon, sinabi nitong may obligasyon pa rin ang mga operator na tiyaking tuluy-tuloy ang pagbibigay ng pampublikong serbisyo sa mga commuter.
Inatasan ang mga operator na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang prangkisa. Ayon sa LTFRB, ang umano’y pagtigil ng kanilang operasyon ay maaaring lumabag sa Memorandum Circular No. 2011-004, na nagbabawal sa mga PUV operator na itigil ang kanilang serbisyo bilang paraan ng protesta o pahintulutan ang anumang hakbang na makapipinsala sa riding public.
Itinakda sa Hulyo 9 ang pagdinig sa naturang kaso. Hindi naman isinapubliko ng LTFRB ang pagkakakilanlan ng 34 na operator na pinadalhan ng show cause orders.
- Latest


















