LRT-1 Cavite Extension matatagalan pa – Solon
MANILA, Philippines — Posibleng hindi matapos bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2028 ang LRT-1 Cavite Extension Project dahil sa hindi pa nareresolbang isyu sa right-of-way (ROW), ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos.
Sinabi ni Santos na sa kabila ng direktiba ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr), hindi pa rin nalalagdaan ng Villar Group ang Right-of-Way Usage Agreement (ROWUA), na dahilan ng pagkaantala ng proyekto.
Kinumpirma ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na hindi pa rin naisapormal ang alok ng Villar Group na ipagkaloob nang libre ang lupang kailangan para sa Las Piñas Station, sa kabila ng mga technical meetings mula 2021 hanggang 2025.
Inihayag din niya na sa kabila ng sunud-sunod na technical meetings na dinaluhan ng DOTr, LRTA, Light Rail Manila Corporation (LRMC) bilang pribadong concessionaire ng proyekto, at mga kinatawan ng Villar Group mula pa noong Setyembre 2021 hanggang Hunyo 2025, nananatili pa ring hindi pirmado ang nasabing kasunduan.
Iginiit naman ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na hindi nila masisimulan ang konstruksyon ng Phase 2 hangga’t hindi naibibigay ang 100 porsiyento ng kinakailangang right-of-way.
- Latest



















