Shopping Mall sa Divisoria nasunog
MANILA, Philippines — Tumagal ng halos 5-oras ang sunog na nagsimula sa isang printing shop sa ikalawang palapag na gusali ng 999 Shopping Mall sa Divisoria, Binondo, Maynila, na nagsimula ng Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-10:04 ng gabi ng Hunyo 26, nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag, na itinaas sa unang alarma alas-10:13, ikalawang alarma alas-11:13 at umakyat sa ikatlong alarma pagsapit ng alas 12:13 ng madaling araw, bago idineklarang fire-out alas-2:59 ng madaling araw ng Hunyo 27.
Naging pahirapan umano sa pag-apula ng apoy dahil sa makapal na usok at confined spaces.
Hindi pa kumpirmado ang pinagmulan ng apoy bagamat sinabi ng ilang tenants na posibleng sa isang printing machine ng isang printing shop sa ikalawang palapag, na hindi umano na unplugged.
Hindi muna pinayagan na makapasok sa mall ang mga tenants para sa kanilang kaligtasan at hindi makahadlang sa operasyon ng BFP at fire volunteers.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi.
- Latest


















