Converge, Titan Ultra wala pang import
MANILA, Philippines — Ang Converge at Titan Ultra na lamang ang mga koponang wala pang import para sa darating na PBA Season 50 Governors’ Cup na didribol sa susunod na buwan.
Nakatakdang magsimula ang season-ending conference sa Hulyo 10 kung saan ito ibinalik ng liga sa group format.
Wala pang isinusumiteng pangalan ang FiberXers at Giant Risers para sa kanilang ipaparadang reinforcement sa torneong may height limit na 6-foot-6 para sa mga imports.
Magkakasama sa Group A ang Barangay Ginebra, Rain or Shine, Meralco, Magnolia, Blackwater at Phoenix, habang nasa Group B ang nagdedepensang TNT Tropang 5G, San Miguel, Converge, NLEX, Titan Ultra, Terrafirma at guest team Macau.
Ang Dyip at Giant Pandas ang pinakahuling nakakuha ng import sa torneong pinagharian ng Tropang 5G kasama si Best Import Rondae Hollis-Jefferson.
Isasalang ng Terrafirma si Justin Strings at aasahan naman ng Macau team si De’Vondre Perry.
Ang 29-anyos na si Strings ay miyembro ng Sacramento State Hornets varsity team at naglaro sa mga liga sa Canada, Germany, Argentina at Uruguay.
Beterano na rin sa international basketball ang 27-anyos na si Perry ng Temple University matapos kumampanya sa Belgium, Dominican Republic at Germany.
Si Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee ang muling gagabay sa Gin Kings, habang si Darius Days ang pansamantalang tatrangko sa Tropang 5G habang nagrerekober si Hollis-Jefferson sa kanyang injury.
Ang iba pang imports na makikita sa aksyon ay sina balik-imports George King (Beermen), Aaron Fuller (Elasto Painters) at DeQuan Jones (Road Warriors).
Ang mga bagong mukha naman ay sina Jordon Varnado ng Bolts, KJ Buffen ng Hotshots, BJ Johnson ng Fuel Masters at Kentrell Barkley ng Bossing.
- Latest





















