Pagpaslang ng Koreano sa Nueva Ecija, lutas agad!
Patunay lang na kapag may maayos na koordinasyon, mabilis na aksyon, at masusi na imbestigasyon, hindi kailangang magtagal bago malutas ang isang mabigat na krimen. Ang tinutukoy ko mga kosa ay ang kaso ng 37-anyos na Korean national na si Ehewh Shin Bongsub, na dalawang taon ng naninirahan sa Pinas. Noong Hunyo 17, natagpuan ang bangkay ng Koreano sa loob ng abandonadong Ford Everest sa General Tinio, Nueva Ecija. Karaniwan, ang ganitong kaso ay nangangailangan ng mahabang panahon ng pag-iimbestiga. Ngunit sa pagkakataong ito, wala pang tatlong araw ay natukoy na ang mga suspek, naaresto ang mga ito, at narekober pa ang mahahalagang ebidensya. Hehehe! Naiiba talaga ang liderato ni PRO3 director Brig. Gen. Jess Mendez!
Mula sa crime scene processing, pagsusuri ng CCTV footage, intelligence operations, forensic examination, hanggang sa pagtutugma ng bala at baril, sunud-sunod ang hakbang na ginawa ng mga operatiba ni Mendez. Ang resulta: mabilis na pagkakabuo ng kaso at pag-aresto sa mga responsable na kilala sa mga alyas na Joa/Jao at Harin. Mahalagang tandaan na hindi lamang pag-aresto ang sukatan ng tagumpay sa isang imbestigasyon. Mas mahalaga ang pagkakaroon ng matibay na ebidensya. Sa kasong ito, nagtugma ang mga pahayag ng mga saksi, mga nakuhang CCTV footage, forensic findings, at iba pang ebidensyang nakalap ng mga imbestigador.
Dahil dito, naisampa na ang kasong murder laban sa mga suspek. Dipugaaaaa!
Pinuri ni Mendez ang mga imbestigador at operating units na naging bahagi ng mabilis na paglutas ng kaso. Aniya, ang tagumpay na ito ay bunga ng dedikasyon, propesyonalismo, at kahandaan ng mga pulis sa rehiyon na gampanan ang kanilang tungkulin anumang oras. Higit pa rito, ipinakita ng mabilis na paglutas ng kaso sa “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” na isinusulong ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na hindi lamang para sa mga Pilipino kundi maging sa mga dayuhang naninirahan, nagtatrabaho, o bumibisita sa ating bansa. Sapagkat ang seguridad at hustisya ay walang kinikilalang lahi o nasyonalidad. Mismooooo!
Teka, teka! Dapat purihin din ni Mendez si Capt. Silvestre Colanza, ang OIC ng Peñaranda, Nueva Ecija bunga sa pagkaaresto ng pitong wanted persons, pagsuko ng dalawang loose firearms, at pagkakumpiska ng 167 mufflers sa checkpoint operations.
Naisuko din ang pekeng sigarilyo na nagkakahalagang P10,000. Isang buwan pa lang sa puwesto si Colanza, subalit halos walang naitalang 8-focused crimes sa bayan n’ya. Wow na wow! Anong sey mo Nueva Ecija PD Col. Ritchie Claravall Sir? Abangan!
- Latest

















