Gilas Women sasabak sa Olympic Qualifying
MANILA, Philippines — Ang paglapit sa tiket sa 2028 Los Angeles Olympics ang puntirya ng Gilas Pilipinas Women sa kanilang pagsabak sa FIBA Women’s Olympic Pre-Qualifying Tournament sa Agosto 17-23 sa Guadalajara, Mexico.
Ang mga Pinay cagers ay gagabayan ni bagong head coach Burke “BT” Toews na pumalit kay long-time mentor Pat Aquino.
Kasama ng Gilas Women sa Group B ang host Mexico, Canada at Senegal, habang nasa Group A ang Brazil, Argentina, New Zealand at South Sudan.
Sasalang ang walong koponan sa isang single round-robin kung saan ang top two teams sa bawat grupo ang papasok sa semifinals patungo sa finals.
Ang magrereyna sa torneo ang maglalaro sa isa sa apat na Olympic qualifying tournaments patungo sa 2028 LA Olympic Games.
Gumawa ng kasaysayan ang Gilas Women sa FIBA Women’s World Cup Qualifying Tournament na idinaos sa Lyon, France noong Marso nang talunin ang Colombia, 74-59, sa pamumuno ni two-time UAAP MVP Kacey Dela Rosa.
Makakasama ni Dela Rosa sa tropa sina veterans Afril Bernardino, Janine Pontejos at Trina Guytingco katuwang ang mga bagitong sina Sarah Heyn, Sumayah Sugapong at Sophia Dignadice.
Ang iba pang miyembro ng Gilas Women ay sina Stefanie Berberabe, Louna Ozar, Kent Pastrana, Ann Pingol at Angel Surada.
Sina Bernardino, Pontejos, Surada, Ozar, Dignadice, Pingol, Guytingco, Dela Rosa at Heyn ay bahagi ng tropang kumuha ng gold medal sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
- Latest

















