Expanded paternity leave para sa mga tatay
Ilang araw bago ang Father’s Day, inihain ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang PAPA Leave Act na naglalayong palawigin ang kasalukuyang pitong araw na paternity leave tungo sa 90 araw na bayad na leave para sa panganganak at 60 araw para sa miscarriage o emergency termination of pregnancy.
Kasama ni Diokno sa pagsusulong ng panukala sina Akbayan Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Kaka Bag-ao.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng karagdagang 15 araw na parental leave na magagamit sa loob ng unang taon ng bata. Sa kabuuan, maaaring umabot sa 105 araw ang leave ng isang tatay, halos kapantay ng Expanded Maternity Leave na ipinaglaban at naipanalo ng Akbayan.
Hindi lamang ito benepisyo sa trabaho. Kinikilala nito ang pagpapalaki ng anak ay hindi lamang tungkulin kundi isang karapatan. Kapag mas maraming oras ang ama sa tahanan sa unang buwan ng sanggol, mas napapalalim ang ugnayan ng pamilya, mas nababawasan ang emosyonal at pisikal na pasanin ng mga ina, at mas napapalakas ang pag-unlad at kapakanan ng mga bata.
Pinapalawak ng panukala ang saklaw upang maisama ang mga hindi kasal na ama, alternatibong tagapag-alaga, at mga manggagawa sa impormal na sektor. Ipinapakita ang pagkilala sa iba’t ibang anyo ng pamilyang Pilipino sa kasalukuyan at ang pangangailangang maging inklusibo ang mga patakarang panlipunan.
Siyempre, may mga nagtatanong kung kakayanin ba ito ng ekonomiya. Ito rin ang tanong nang isinusulong ang Expanded Maternity Leave Law. Ang sagot ay, “oo.” Walang dapat ipangamba ang maliliit na negosyo dahil pwede sagutin ito ng gobyerno. Kung kinaya natin ito para sa mga working nanay, walang dahilan upang hindi rin ito maibigay sa mga working tatay.
Ang PAPA Leave Act ay hindi lamang tungkol sa pagpapalawak ng paid leave benefits. Pagbabago ito ng maling pananaw na ang pag-aaruga, pagkalinga, at pagpapalaki ng anak ay responsibilidad lamang ng mga ina o kababaihan. Ito ay tungkulin ng parehong magulang at pananagutan ng lahat.
Sa dulo, bukod sa responsibilidad ng malalaking negosyo, dito dapat nilalagay ang ating pondo hindi sa bulsa ng mga kawatan at mga magnanakaw.
- Latest




















