Mga Pinoy kasama sa misyon sa Buwan
Noong Abril ng taong kasalukuyan, naging matagumpay ang pagtungo sa buwan ng apat na astronaut na bumiyahe doon bilang bahagi ng Artemis II mission. Isa itong programang pinangunahan ng National Aeronautics and Space Administration ng United States katuwang ang kabalikat nitong mga bansa, space agencies at pribadong mga kumpanya para sa planong pagbalik at pagtatayo ng permanenteng base ng tao sa buwan.
Gayunman, ilang Pilipino ang naging bahagi ng Artemis II mission na ito. Tinipon sa isang labas ng Positively Filipino ang kanilang mga pangalan.
Isa sa kanila si Louie Rabara, 29 anyos, na nagtatrabaho sa Jet Propulsion Laboratory ng NASA. Kabilang siya sa mga nagmo-monitor ng telemetry streams ng misyon. Kabilang sa mino-monitor ang bilis, posisyon, temperatura, presyon at kalagayan ng iba’t ibang bahagi ng sasakyan. Nang ilunsad ang misyon, nakapuwesto ang kanyang grupo sa mission control center ng NASA sa Houston, Texas. Dito 24 oras na sinusubaybayan ang bawat galaw ng spacecraft habang papalayo ito sa daigdig at naglalakbay sa kalawakan.
Isa pang Pilipinong kabilang sa proyekto si Arianne “Nikki” Jubay Lazaro, isang senior materials engineer na nagmula sa Balamban, Cebu. Bahagi siya ng Orion Fracture Control Team. Ang kanilang tungkulin ay tiyaking hindi magkakaroon ng bitak, pagkasira o pagkaputol sa mahahalagang bahagi ng spacecraft habang nakararanas ito ng matinding panginginig sa paglulunsad, matitinding pagbabago ng temperatura at iba pang matinding kondisyon sa kalawakan. Partikular niyang tinutukan ang Environmental Control and Life Support System. Ito ang sistemang nagbibigay ng malinis na hangin, tamang presyon at ligtas na kapaligiran para sa mga astronaut. Kung wala ang sistemang ito, hindi makaliligtas ang tao sa kalawakan dahil walang oxygen at walang proteksiyon laban sa matitinding kondisyon sa labas ng spacecraft.
May bahagi rin ang Pilipinong si Armila Reyna Fernandez na tubong Dumanjug, Cebu. Kabilang siya sa crew ng USS John Murtha, isa sa mga barkong nakatalaga para sa recovery operations ng Orion capsule sa Karagatang Pasipiko matapos bumalik ang mga astronaut sa Daigdig. Bilang engineman second class petty officer, tumulong si Fernandez sa recovery logistics at maritime security upang matiyak ang maayos na pagkuha sa Orion capsule at sa mga astronaut na sakay nito.
Isa pang Pilipinong inhinyero sa NASA si Jay Bustamante, na nagtapos sa Don Bosco Technical High School, CITE Technical Institute at Cebu Institute of Technology-University. Kabilang siya sa mga tumutulong sa pagpapanatiling maayos ng propulsion, electric power, temperature control at life support systems ng Orion spacecraft.
* * * * * * * * * * * *
Email-[email protected]
- Latest


















