2 bangkay sa kotse nadiskubre sa TPLEX

MANILA, Philippines — Dalawang bangkay ang nadiskubre ng mga awtoridad sa loob ng isang nakaparadang behikulo sa tabi ng isang establisimyento sa southbound gas station sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Brgy. San Francisco, Victoria, Tarlac nitong Miyerkules (Hunyo 17) ng hapon, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Tarlac Provincial Police Office (PPO), isang staff ng gasoline station ang tumawag sa kanilang himpilan na humingi ng emergency assistance matapos na masilip sa bintana ng behikulo ang dalawang bangkay bandang alas-2 ng hapon.
Nagtataka umano ang manager ng gasoline station kung bakit matagal na nakaparada ang behikulo, pero hindi ito umaalis sa lugar kaya ipinasilip sa crew ang sasakyan at dito na nadiskubre ang dalawang bangkay.
Agad namang nagresponde ang Tarlac Forensic Unit na iprinoseso ang krimen upang madetermina kung ano ang ikinasawi ng mga biktima.
“We expect that the forensic examination and other necessary processes will be completed soon to help resolve the said incident,” ayon sa Tarlac Police na tumanggi munang magbigay ng iba pang mga detalye habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.
Samantalang positibo namang kinilala na ng kanilang mga pamilya ang natagpuang mga bangkay sa loob ng nakaparadang kotse.
“Opisyal na kinukumpirma ng aming himpilan na positibo nang nakilala ng mga kaanak ang dalawang indibidwal,” ayon sa Tarlac PPO.
Inihayag pa ng Tarlac PPO na nirerespeto nila ang desisyon ng pamilya ng mga biktima na isapribado ang insidenteng ito para sa kanilang katahimikan.
- Latest





















