BI pinuri sa trabaho
NAGPASALAMAT at muling nangakong paiigtingin ang reporma sa ahensiya si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado matapos siyang mapabilang sa mga pinakamahuhusay na opisyal ng gobyerno sa bansa, base sa pinakahuling “Boses ng Bayan” Index of Governance Trust and Performance Ratings na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation Inc.
Sa resulta na inilabas noong Mayo 29, pumuwesto si Viado sa ikaapat sa buong bansa na may 85 porsiyentong performance at trust rating.
Ang RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) ay isang organisasyong kilala sa pagsasagawa ng mga survey tungkol sa opinyon ng publiko at pagsusuri sa performance ng mga opisyal ng gobyerno.
Nanguna sa listahan si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na may 89.7 porsiyento, sinundan ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na may 88.1 porsiyento, at ni Technical Education and Skills Development Authority Secretary Jose Francisco “Kiko” Benitez na may 86.5 porsiyento.
Ayon kay Viado, patunay ang pagkilalang ito sa sipag, dedikasyon at sama-samang pagsisikap ng mga empleyado at immigration officers ng Bureau of Immigration sa pagpapatupad ng mga reporma at pagpapaganda ng serbisyo sa publiko.
“Buong puso at may pagpapakumbaba kong tinatanggap ang pagkilalang ito. Hindi ito personal na tagumpay kundi bunga ng sama-samang pagsisikap ng aming mga tauhan na walang sawang nagsisilbi sa mamamayang Pilipino at nagbabantay sa ating mga hangganan,” ani Viado.
Ibinigay rin niya ang kredito sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa isinusulong nitong Bagong Pilipinas.
“Patuloy kaming humuhugot ng inspirasyon sa panawagan ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas. Sa Bureau of Immigration, isinasabuhay namin ito sa pamamagitan ng isang Bagong Immigration na mas propesyonal, moderno, bukas sa publiko at mas mabilis tumugon sa pangangailangan ng mga tao,” dagdag niya.
Mula nang maupo sa puwesto, isinulong ni Viado ang iba’t ibang reporma para palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa, pagandahin ang serbisyo ng immigration, paigtingin ang operasyon laban sa ilegal na gawain ng mga dayuhan, labanan ang human trafficking, at pabilisin ang digital transformation ng ahensya.
Nangako rin siyang ipagpapatuloy ang mga programang ito at maglulunsad pa ng dagdag na reporma para matiyak na nakaayon ang Bureau of Immigration sa layunin ng administrasyon na magkaroon ng maayos, mabilis at epektibong serbisyo sa publiko.
“Bagama’t ikinararangal namin ang pagkilalang ito, tinitingnan namin ito bilang hamon para mas pagbutihin pa ang aming trabaho. Marami pa kaming dapat gawin at patuloy kaming magpapatupad ng mga makabuluhang reporma para lalo pang mapalakas ang tiwala ng publiko, mapaganda ang serbisyo, at makatulong sa pagsasakatuparan ng Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng Bagong Immigration,” pagtatapos ni Viado.
- Latest



















