Foreign workers at employers, dapat may employment permits - DOLE
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang mga dayuhang nagtatrabaho sa Pilipinas at kanilang mga employer na tiyaking may kaukulang Alien Employment Permit (AEP) upang makapagtrabaho nang legal sa bansa.
Ang paalala ay inilabas kasabay ng imbestigasyon ng DOLE kay dating Ateneo men’s basketball head coach Tab Baldwin.
Ayon kay Tolentino, ang Alien Certificate of Registration (ACR) ay nagbibigay lamang ng pahintulot sa isang dayuhan na manirahan sa bansa, habang ang AEP naman ang kinakailangang dokumento upang legal na makapagtrabaho.
Binigyang-diin ng kalihim na ang pagtatrabaho nang walang AEP ay maaaring magresulta sa mga kasong administratibo at kriminal, kabilang ang pagkakakulong at deportasyon.
“When you have the ACR, you’re allowed to reside in the Philippines. When you have the AEP, you’re allowed to work. That’s the difference,” paliwanag pa ng Labor chief.
Pinayuhan din niya ang mga paaralan at iba pang institusyong kumukuha ng dayuhang empleyado na tiyaking sumusunod ang mga ito sa saklaw ng kanilang employment contracts.
Nauna nang binigyan ng DOLE si Baldwin ng hanggang Hunyo 25 upang magsumite ng kanyang verified answer at mga kaukulang dokumento. Nakatakda naman ang pormal na pagdinig sa Hunyo 29.
- Latest
















