Chinese Taipei biyaheng Finals
CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines — Swak sa finals ang Chinese Taipei matapos nilang walisin sa tatlong sets ang Kazakhstan, 25-23, 25-16, 25-14 sa semifinals ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Cup na nilaro sa Candon City Arena kahapon dito.
Bahagyang napahirapan ang Chinese Taipei sa unang set pero sa pangalawa at pangatlo ay dinomina nila ang Kazakhstan na No. 1 seed at walang talo sa Pool B.
Sinandalan ng No. 2 sa Pool A na Chinese Taipei (4-1) si Y.C Tsai na nagtala ng 18 points mula sa 17 attacks at isang service ace upang tulungan ang koponan na makalaro sa finals sa unang pagkakataon.
Bago magsimula ang laro ay bahagyang pinapaboran ang Kazakhstan sa laban dahil tinalo nila sa Pool B ang defending champion Vietnam.
Tumikada si Y.C. Chang ng 14 markers kasama ang 10 kills, tatlong service aces at isang block para sa Chinese Taipei na mag-aabang ng makakalaban sa finals sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, FIVB, Volleyball World, AVC, POC at ng City of Candon sa pamumuno ni Mayor Eric D. Singson.
Kasalukuyang nagbabanatan sa isang pares ng semis ang No. 1 sa Pool A na South Korea at No. 2 sa Pool B na Vietnam habang sinusulat ito.
Samantala, laglag sa classification round ang Alas Pilipinas matapos ang five-game match sa Pool A, lumanding sila sa fourth place tangan ang 2-3 karta kaya sa classification round lalaro ang host country.
Makakalaban ng Alas sa battle for seventh place ang No. 4 seed sa Pool B na Iran ngayong alas-9:30 ng umaga.
- Latest





















