Malaysian nasabat sa 50 pagong sa bagahe
MANILA, Philippines — Limampung buhay na Indian Star Tortoises na bitbit ng isang pasaherong Malaysian national na nagmula sa Bangkok, Thailand, ang nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City, Biyernes ng gabi.
Agad pinagdudahan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) nang sumailalim sa x-ray machine sa Arrival Customs X-Ray Area ang laman ng maleta kaya’t mano-manong isinagawa ang pagsusuri sa BOC Inspection room na nagresulta sa pagkakadiskubre sa 50 na buhay na pagong.
Dahil sa kabiguan ng pasaherong dayuhan na magpakita ng kaukulang permit, agad itong ipinaalam sa mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) at NAIA Police Station 1, at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nasa pangangalaga na ng DENR-Wildlife Rescue Center sa Quezon City ang mga nasabing pagong habang ang Malaysian ay ikinulong para sa isasampang mga reklamong paglabag sa Republic Act 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at R.A. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), ani AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr.
- Latest



















