Regulated uniform sa TNVS riders, isinusulong ng QCPD
Laban sa mga pekeng rider
MANILA, Philippines — Isinusulong ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagpapatupad ng regulated uniform sa mga lehitimong Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver at delivery riders laban sa mga gumagamit ng pekeng uniporme na sangkot sa krimen.
Sa 2nd Quarter Regional Peace and Order Council–National Capital Region (RPOC-NCR) meeting nitong Miyerkules, Hunyo 10 sa Parañaque City Hall, inilahad ni QCPD Director PGen. Randy Glenn Silvio ang ulat hinggil sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga nagpapanggap na TNVS at delivery riders.
Sinuportahan naman ni RPOC-NCR Chairperson at Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino Biazon ang panukala, habang naghain naman si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ng manifestasyon upang pag-aralan at ikonsidera ang rekomendasyon ng QCPD, na kalauna’y inaprubahan ng konseho.
Isasangguni ang panukala sa RPOC-NCR Special Action Committee on Crime and Disorder at sa National Peace and Order Council upang makabuo ng pambansang polisiya.
Makikipagtulungan din ang konseho sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office at Department of Information and Communications Technology para sa mas ligtas at organisadong sistema.
Naniniwala si Silvio na ang paghihigpit sa pagbili at paggamit ng TNVS uniforms at gear ay makatutulong upang maprotektahan ang publiko at ang kabuhayan ng mga lehitimong TNVS riders at drivers sa Metro Manila.
- Latest




















