SUV sa hit-and-run sa SLEX peke ang plaka – HPG
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Highway Patrol Group (HPG) Director PBGen. Rommel Batangan na posibleng gumamit ng pekeng plaka ang sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa hit-and-run incident na ikinasugat ng isang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay Batangan, lumabas sa imbestigasyon na walang rekord ang plakang nakakabit sa naturang sasakyan.
“May lumabas na plaka doon sa vehicle involved ngunit wala itong records. Ibig sabihin, posible pong gumamit ng fake plate number ang sasakyang sangkot,” ani Batangan.
Lumilitaw na papasok sana sa trabaho si Pat. Jeric Aya-ay nang biglang sumingit sa kanyang linya ang SUV sa bahagi ng SLEX sa San Pedro, Laguna. Dahil sa pagkakabangga, tumilapon at ilang ulit na gumulong sa kalsada ang pulis at ang kanyang motorsiklo.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamunuan ng SLEX upang makakuha ng karagdagang ebidensya, kabilang ang RFID records at iba pang CCTV o dashcam footage na maaaring makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng sasakyan at ng driver nito.
Mahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property.
- Latest





















