Abogadong papalit-palit ang mga argumento
Bilang batang abogado inilaban ni Abraham Lincoln ang dalawang kaso sa parehong araw sa parehong huwes. Iisa ang prinsipyo ng batas. Pero sa una sumipot si Lincoln para sa depensa, at sa ikalawa para sa nagdemanda. Matapos ang masigasig na depensa nu’ng umaga, nanalo si Lincoln. Nu’ng hapon kasing-sigasig niya inilaban ang kontra-panig.
Nakangisi nagtanong ang huwes kung bakit nagbago ang kaniyang paninindigan. Walang kurap tumugon si Lincoln, “Your Honor, maaring mali ako kaninang umaga, pero ngayong hapon tiyak akong tama ako.”
Hay naku, mga abogado talaga! Pabago-bago ang argumento.
Nu’ng Feb. 2025 pinahinto ni VP Sara Duterte sa Korte Suprema ang pag-impeach sa kaniya ng House of Reps. Kesyo raw paspasan ang ginawang proseso. Kesyo raw hindi manlang siya binigyan ng kopya ng sakdal at ebidensya. Kesyo raw hindi siya binigyan ng pagkakataong kontrahin ang mga testimonya.
July 2025 kinatigan ng Korte si Sara. Dinetalye ang mga umano’y pagyurak ng House sa mga karapatan niya. Ibinasura ang impeachment.
In-impeach muli si Sara nitong Feb. 2026. Sumunod ang House sa mga tinakdang alituntunin ng Korte. Nagdaos ang House committee on justice ng apat na hearings, Marso hanggang Abril.
Pinadalhan si Sara ng kopya ng sakdal at ebidensya. Inimbitahan siyang tuligsain ang mga testigo.
Pero ano ang ginawa ngayon nina Sara at mga abogado niya?
Hindi sila sumipot ni minsan sa House. Sa halip ay umangal sila muli sa Korte Suprema. Kesyo raw inulit lang ang lumang sakdal nu’ng 2025. Kesyo raw labag sa karapatan niya ang mga ebidensya. Kesyo raw inuunti-unti ang hearings para pahiyain siya sa publiko at sirain ang pagkampanya niya bilang Presidente sa 2028.
Ano ba talaga, Sara? Nahihilo kaya sa kaniya ang mga justices?
- Latest



















