3 bahay sa NBP Reservation, nasunog
MANILA, Philippines — Nawalan ng tirahan ang 17 indibidwal matapos matupok ang tatlong kabahayan sa Vicar Village, New Bilibid Prison (NBP) Reservation sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City, noong Sabado ng gabi, na naapula alas-12:22 ng madaling araw ng Linggo.
Nabatid na apat na pamilya ang kinakalinga ng pamahalaan ng Muntinlupa City sa lugar kung saan sila ipagtatayo ng tent.
Agad namang namahagi ang Social Services Department (SSD) ng Muntinlupa City government sa mga nasunugan ng pagkain at emergency kits.
Kabilang sa relief goods na natanggap ng mga nasunugan ng 50 kilong sako ng bigas, iba’t ibang de-lata, asukal, kape, mga T-shirts, shorts, underwear, tsinelas, tuwalya, mga tinidor at kutsara, kawali, kaldero, mga plato, kalan, at lalagyan ng tubig.
May sleeping kits na binubuo ng kulambo, banig, unan, kumot, folding bed at mga hygiene kit, kabilang ang mga toothbrush, toothpaste, sabon, shampoo, at diaper.
Tiniyak naman ni Mayor Ruffy Biazon sa mga pamilya na bibigyan sila ng tulong pinansyal at referral sa ibang ahensiya para sa iba pang pangangailangan.
- Latest

















