GPS nalansag carnapping syndicate, 8 timbog

MANILA, Philippines — Nalansag ang isang organisadong sindikato ng carnapping sa Caloocan City na natunton sa tulong ng GPS o global positioning system sa device mula sa isang estudyante na inagawan ng motorsiklo at mobile phone sa Marikina City, Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Major Anthony Aberin na naaresto ang walong indibiduwal at narekober ang anim na motorsiklo, isang SUV, isang sedan, dalawang hindi lisensyadong baril, at iPhone 16 Pro Max.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang 20-anyos na estudyante na inagawan ng PCX motorcycle at iPhone 16 Pro Max alas-2:29 ng madaling araw noong Hunyo 5, 2026, sa panulukan ng J.P. Rizal at Baybay Sts., sa Barangay Concepcion Uno, Marikina.
Agad kumilos ang pinagsanib na puwersa ng Eastern Police District -District Intelligence Division, District Anti-Carnapping Unit, Marikina City Police Station, sa pamumuno ni P/Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. sa serye ng follow-up at hot pursuit operations at sa tulong ng GPS mula sa iPhone ng estudyante, natunton ang lugar ng sindikato sa Barangay 171 sa Caloocan City.
Pagdating sa area, agad na tinawagan ng estudyante ang natangay na iPhone at positibong natunton nang tumunog mula sa belt bag ng suspek at nadiskubre ang dalang baril na walang lisensya.
Sa proseso ng pagtatanong, nadiskubre na isang sindikato ang kinaaniban ng suspek na naging daan upang marekober ang mga karnap na isang Hyundai Stargazer SUV, isang Toyota Vios sedan, dalawang Honda PCX motorcycle, isang Honda Click,isang Yamaha Aerox, isang Yamaha Mio Soul, isang Yamaha NMAX V3, at isang Suzuki Raider.
Kabilang din sa kinumpiska ang isang walang serial number na 9mm pistol at .38 caliber revolver.
Nakapiit na ang mga suspek sa Marikina City Police Station matapos isailalim sa inquest proceedings sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act).
- Latest




















