TNT, Ginebra agawan sa 2-1 lead

MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng nagdedepensang TNT Tropang 5G at karibal na Barangay Ginebra ang 2-1 bentahe sa Game Three ng kanilang Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals.
Magtutuos ang Tropang 5G at Gin Kings ngayong alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos kunin ng Ginebra ang dramatikong 102-100 panalo sa Game One ay nakabangon ang TNT sa Game Two, 101-94, para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-seven championship series.
Muling pinaalalahanan ni coach Chot Reyes ang kanyang Tropang 5G sa kakayahan ng Gin Kings na makabangon mula sa pagkakabaon sa laro.
Nakita ito ni Reyes nang makadikit ang Ginebra sa 94-98 matapos magposte ang TNT ng 21-point lead.
“We kept reminding the players in the huddle when we were up big not to let their guards down because we all know the caliber that Ginebra has. They will always come back,” ani Reyes.
Binanderahan ni Calvin Oftana ang Tropang 5G sa kanyang game-high 31 points kasama ang dalawang free throws sa huling 18.7 segundo ng laro.
Muling aasahan ng Gin Kings sina resident import Justin Brownlee, RJ Abarrientos, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Stephen Holt at Jeremiah Grey.
Umaasa si Ginebra coach Tim Cone na magiging patas ang tawagan ng mga referees.
“Justin (Brownlee) had four free throws. He took only three threes, stayed around the basket all night, but he wasn’t getting the call,” sabi ng 25-time PBA champion mentor.
- Latest





















