Ang Kapitbahay (Wakas)
PATULOY na nakinig si Vince kay Renan. Hinayaan niya na isiwalat nito ang laman ng dibdib.
“Sinunod ko ang payo mo, Pare na iwasan ang tukso habang nasa Saudi pero hindi maganda ang nangyari—niloko ako ni Margie. At ang masakit pa, ang kalaguyo niya ang tumangay sa anak kong si Brenda. Napakasama nang ginawa sa akin—walang kasingsama!”
Tumigil si Renan sa pagsasalita. Tumingin ito sa kawalan. Matagal.
Nang magsalita ay may garalgal ang boses. Gustong umiyak.
“Pinalayas ko na si Margie. Mabuti at nakapag-isip ako kahapon. Balak ko, babarilin siya at pagkatapos ay hahanapin ko ang kalaguyo niya at babarilin ko rin. Pero hindi ko ginawa. Naisip ko, masasayang lang ang buhay ko. Kung mapatay ko sila, baka magdusa pa ako sa kulungan. Ang isang pinagpapasalamat ko, may taong nagmalasakit na sinumbong ang ginagawa ni Margie. Tinext ako. Kung hindi sa taong ‘yun, hindi ko matutuklasan ang kataksilan.”
Hindi nagsalita si Vince. Kinamayan niya si Renan bilang pagsuporta sa ginawa nitong pagtitimpi na hindi napatay ang taksil na asawa.
Sa ginawa niya, tila nabawasan ang dinadalang problema ni Renan.
MAKALIPAS ang ilang araw, napansin ni Vince na tahimik na tahimik sa bahay ni Renan. Sumilip siya at napunang wala nang gamit sa loob.
Ilang araw pa ang lumipas at nakita niya ang karatula sa pinto ng bahay: FOR RENT.
- Latest
















