Apoy Sa Balsa (5)
LUMALALIM ang gabi, ngunit walang balak magpaawat ang ulan sa labas. Dahil sa tindi ng lamig na nanunuot sa mga siwang ng kubo, walang nagawa si Rhea kundi ang makihati sa iisang kutson sa sahig kasama si Kael. Nakahiga silang dalawa, magkatabi ngunit may kaunting puwang, kapwa nakatitig sa kisameng kawayan na bahagyang naiilawan ng gasera.
“Hindi ako makapaniwalang narito ako,” basag ni Rhea sa katahimikan. Ang boses niya ay malambot, malayo sa matigas na tono niya kaninang umaga. “Sa Maynila, bawat segundo may presyo. Kung hindi ka gagalaw, lalamunin ka nang buo. Pero dito… parang huminto ang mundo.”
Lumingon si Kael sa kanya, nakapatong ang ulo sa sariling braso.
“Masama ba ’yun?”
“Nakakatakot,” pag-amin ni Rhea, sa unang pagkakataon na may napagsabihan siya ng totoong nararamdaman niya.
“Kapag huminto ako, natatakot akong ma-realize na baka wala naman talaga akong patutunguhan. Na baka nagpapakapagod lang ako para sa wala.”
Narinig ni Rhea ang mahinang pagbuntong-hininga ni Kael.
“Akala mo lang walang patutunguhan dahil sa nakasanayan mo. Dito, natutunan ko na minsan, kailangan mo lang sumabay sa agos. Hindi ibig sabihin niyon ay naliligaw ka.”
Humarap si Rhea kay Kael, at sa paggalaw niya, tuluyang nawala ang natitirang distansiya sa pagitan nila. Sa munting liwanag, nakita niya ang lalim ng titig ng lalaki. Ang init na nagmumula sa katawan nito ay tila isang magnetic na puwersa na humihila sa kanya pasulong.
Napatitig si Kael sa kanyang mga labi. Marahang itinaas ng lalaki ang magaspang nitong palad, hinawi ang ilang hibla ng buhok sa mukha ni Rhea. Ang dulo ng mga daliri nito ay dumaan sa kanyang pisngi—isang haplos na banayad ngunit may hatid na kuryenteng nagpatigil sa paghinga ng dalaga. (Itutuloy)
- Latest

















