Gustong magkaanak ng lalaki
Dear Dr. Love,
Tatlo na po ang anak namin ng aking asawa, nga lang puro babae. Kaya gusto pa niya na mag-anak pa kami at baka sakali raw na makatsamba na kami ng lalaki. Gets na gets ko po ang paghahangad na makalalaki ng asawa ko. Pero 46 years old na ako at may mga nararamdaman na rin sa katawan.
Hindi sa ayaw kong dumami ang apelyido ng angkan niya, pero ang reyalidad ay hindi naman kami mayaman. Saktuhan lang ang estado namin sa buhay.
Mahal na mahal ko po ang asawa ko at talagang gusto ko na maging masaya siya. Pero mas marami po ang disadvantages kaysa advantages kung magbubuntis pa ako. Ito ang gumugulo sa isip ko ngayon, hindi ko malaman kung paano ko makukumbinsi ang mister ko na ayaw ko nang magbuntis. Aabangan ko po ang mahalagang payo ninyo.
Maila
Dear Maila,
Sang-ayon ako sa nabanggit mong mala-king challenge na ang pagbubuntis sa edad mo. At tama rin na hindi lang banta sa iyong kalusugan ang nakaamba, kundi maging sa mabubuong sanggol sa iyong sinapupunan.
Hindi biro ang pagbubuntis lalo na sa edad na 46. Marahil makakatulong kung maisasama mo ang iyong mister sa pagpapakunsulta sa doktor. Para direkta niyang marinig ang iba’t ibang sirkumtansiya ng pagbubutis sa edad mo. Nang sa gayon ay maliwanagan siya sa kung ano ang maaa-
ring kahinatnan kung mangyayari ang pagbubuntis mo.
Nakakatiyak naman ako na mauunawaan ka ng mister mo, dahil ang pinakamahalaga pa rin dito ay ang iyong kaligtasan at kapayapaan ng isip.
Nasa iyo naman din ang karapatan na tumanggi, kung ayaw mo nang magbuntis. Pero gawin mo ito nang may pagmamahal at puno ng pag-lalambing sa iyong asawa. Ipaliwanag at ipapaalala mo sa kanya na malaking factor ang risk sa edad mo. Dahil sa malaking tsansa ng pagkakaroon ng komplikasyon.
Bigyang-diin mo rin na hindi ito tungkol sa ayaw, kundi sa pag-iingat. Sabihin mo na sapat na ang tatlong babae para maging masaya at buo ang inyong pamilya.
Ipunto mo rin na hindi lang sa anak na lalaki naipapasa ang pangalan ng angkan; puwede sa mga apo, sa mabubuting gawa, o sa alaala ng pamil-ya. Pag-usapan ninyo ito nang mahinahon at iwasang gawing argumento dahil nakasalalay rito ang tungkol sa kinabukasan ng inyong mga anak.
Dr. Love
- Latest

















