Gin Kings sumampa sa PBA finals

MANILA, Philippines — Sumandal ang Barangay Ginebra kina resident import Justin Brownlee at RJ Abarrientos para patalsikin ang Rain or Shine Elasto Painters, 118-107, sa Game Six ng kanilang semifinal series patungo sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si Brownlee ng 31 points, 15 rebounds, 5 assists at 2 steals at naglista si Abarrientos ng 30 markers, 7 assists, 6 boards at 3 steals.
“First of all, I don’t care about my score, about my stats. Iyong pinakapino-focus ko rito iyong pagiging leader, as a guard, as a second coach sa loob ng court,” ani Abarrientos.
Isinara ng Gin Kings sa 4-2 ang kanilang best-of-seven semis duel ng Elasto Painters sa harap ng 11,351 fans papasok sa ika-32 finals stint puntirya ang pang-16 titulo.
Haharapin ng Ginebra sa best-of-seven championship series ang mananaig sa semis showdown ng nagdedepensang TNT Tropang 5G at Meralco na naglalaro pa habang isinusulat ito kagabi.
Bigo ang Rain or Shine na makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game Seven.
Nagdagdag si Scottie Thompson ng 16 points at may 11 markers si Ralph Cu na pumukol ng tatlong three-point shots laban sa Rain or Shine.
Kinuha ng Gin Kings ang 60-45 halftime lead na kanilang pinalaki sa 62-45 matapos ang basket ni Thompson sa pagbubukas ng third period.
Kumamada ang Elasto Painters ng isang 17-2 atake sa likod nina Gian Mamuyac at Jhonard Clarito para dumikit sa 62-64 sa 8:20 minuto nito.
Muling nakalayo ang Ginebra sa pagsasara ng nasabing yugto, 93-85, habang nakadikit ang Rain or Shine sa 94-96 sa 9:47 ng fourth quarter galing sa triple ni import Jaylen Johnson.
Ang 3-point play ni Abarrientos kay Adrian Nocum ng Elasto Painters sa 2:26 minuto ang naglagay sa Gin Kings ng 113-102 abante.
- Latest


















