Isa Bell naghahanda sa 2nd Leg Triple Crown
MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng Isa Bell ang 2026 PHILRACOM-PCSO “2nd Leg Triple Crown” stakes race na gaganapin sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas sa Hunyo 14.
Ito’y dahil pakay ng connections ng Isa Bell na makadalawa upang mamuro sa asam na sweep at malagay sa history ng mga kabayong nanalo ng tatlong legs sa triple crown series.
Impresibo ang ipinakitang takbo ng Isa Bell sa first leg noong Linggo, (May 24), nasikwat ang panalo na ginanap sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas.
Sinakyan ito ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez at siya pa rin ang rerenda sa second leg sa event na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Maliban sa Isa Bell, ang ibang naghayag ng pagsali sa distansyang 1,800 meter race ay ang Bermuda Triangle, Black Eagle, Everest, Gentle Dance at Sultan Bell na gagabayan ni jockey Christian Garganta.
- Latest

















