Tropang Giga, Gin Kings rambulan sa Game 1

MANILA, Philippines — Mag-uunahan sa 1-0 lead ang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa Game One ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Magtutuos ang Tropang Giga at Gin Kings ngayong alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Ito ang ikatlong pagkakataon na mag-aagawan sa korona ang TNT at Ginebra matapos sa Season 48 at 49 PBA Governors’ Cup kung saan nanaig ang PLDT franchise sa kanilang best-of-seven championship series sa parehong 4-2 pagtatapos.
Ngunit kumpiyansa ngayon ang Gin Kings na mareresbakan ang Tropang Giga.
“We’re very confident. We like our chances and this is why we compete. Two great teams, two great coaches and a lot of great players,” ani Ginebra guard Stephen Holt. “So, let’s just roll the dice and see what happens.”
Maglalaro ang TNT sa kanilang ika-24 finals appearance at hangad ang pang-11 korona habang nasa ika-32 finals stint ang Ginebra at target ang pang-16 titulo.
Makakatuwang ni Holt sa Gin Kings sina import Justin Brownlee, Scottie Thompson, RJ Abarrientos, Japeth Aguilar, ang bagong hugot na si Troy Rosario at ang mga nagbabalik na sina Jamie Malonzo at Jeremiah Gray.
“We’re very thankful nakabalik na rin ‘yung mga ibang players namin galing injuries like Jamie and Maiah and additional namin si Troy,” ani Abarrientos. “Iyong mindset namin, same lang naman ng last conference, mas lalong didiin lang kami ngayon.”
Itatapat ng Tropang Giga sina two-time PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson, Rey Nambatac, Roger Pogoy, Calvin Oftana, Poy Erram, Glenn Khobuntin at Kelly Williams.
Kagaya ng ibang Muslim athletes, hindi rin muna magpa-fasting si Hollis-Jefferson sa kanilang duwelo ni Brownlee sa serye.
“The thing about Islam is you can make up the days. After Ramadan, if you do so happen to break your fast or, you know, a medical condition, you can make up the days,” wika ng dating NBA player.
- Latest