Madedemanda ba sa utang ng asawa?
Dear Attorney,
Ngayon ko lang po nalaman na may malaking utang pala ang aking asawa. Maari ba akong isama sa demanda para masingil ang utang kahit hindi naman ako ang nangutang at wala akong kaalam-alam tungkol dito? —Juliet
Dear Juliet,
Hindi lamang puwede, ngunit kailangan na kasama ka talaga sa idedemanda kung ang kasong isasampa para masingil ang utang ng iyong asawa ay isang civil case.
Nakasaad sa Section 4, Rule 3 ng Rules of Civil Procedure na kailangang magkasama palagi ang mag-asawa sa demanda, sila man ang nagsampa ng kaso o ang siyang sinampahan nito.
Kailangang magkasama sa demanda ang mag-asawa dahil pareho silang administrator o tagapangasiwa ng lahat ng kanilang ari-arian.
Bilang magkatuwang ang mag-asawa sa pangangasiwa sa kanilang mga ari-arian, kailangang parehong idemanda ang mag-asawa kahit isa lang ang nangutang dahil maaring maapektuhan ng kalalabasan ng kaso ang kanilang community o conjugal property.
Gayunpaman, kahit kasama ka sa demanda ay hindi naman ibig sabihin na mapapanagot na kaagad ang inyong pinagsamang mga ari-arian. Maari lamang managot ang inyong community o conjugal property kung nakinabang ang inyong pamilya mula sa utang at ang pananagutan na ito ay hanggang sa napakinabangang halaga lamang.
- Latest