EDITORYAL - BRP Teresa Magbanua mapalitan pa kaya?
KAHAPON, marami na namang namataang barko ng China na aali-aligid sa Escoda Shoal. Ang pagdami ng mga barko ay may kaugnayan sa pag-alis ng BRP Teresa Magbanua, ang pinakamalaking Philippine Coast Guard (PCG) noong Martes. Nagsimulang magbantay ang Magbanua sa Escoda noong Abril dahil may isinasagawang reclamation ang China roon. Sinabi ng PCG na ang pag-aalis sa Magbanua ay hindi pagsuko sa China.
Sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang pag-aalis sa Magbanua ay dahil sa kawalan ng sapat na suplay ng pagkain at tubig ng 60 tripulante at ganundin sa pagkakasakit ng ilan sa kanila. Dahil umano sa kakulangan ng pagkain, pinagkasya nila ang nalalabing bigas sa loob ng ilang linggo. Para maraming makakain ay inilulugaw na lamang nila ito.
Dahil sa kakulangan ng tubig, iniipon nila ang tubig mula sa aircon para may mainom. Marami umano sa mga tripulante ang dehydrated at nagkaroon ng high blood pressure. Isa rin umano sa dahilan kaya inalis ang Magbanua sa Escoda ay para kumpunihin ang tagilirang bahagi nito na nasira dahil sa pagbangga ng CCG noong Agosto.
Tiniyak naman ni Tarriela na magpapadala uli sila ng barko sa Escoda. Hindi naman sinabi ni Tarriela kung kailan magpapadala ng panibagong barko sa Escoda pero ito raw ay sa lalong madaling panahon. Pananatilihin umano ng Pilipinas ang presensiya sa pinag-aagawang teritoryo. Kamakalawa, iniutos ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabantay sa Escoda at iba pang teritoryo sa West Philippine Sea.
Hindi sana inalis ang Magbanua sa Escoda at nag-isip na lamang ng paraan ang PCG kung paano mahahatiran ng suplay ng pagkain at tubig ang mga tripulante. Dati namang nakapagbagsak ng pagkain at iba pang pangangailangan doon gamit ang eroplano. Bakit hindi ganun ang gawin?
Sana rin, tinanggap ang alok ng U.S. na eeskortan ang PCG sa tuwing magdadala ng suplay para sa mga tauhan ng Magbanua. Bakit pinalampas ang alok ng U.S.?
Ngayon, tiyak na haharangin ng CCG ang anumang pagtatangka ng Pilipinas na makapagpadala ng panibagong barko sa Escoda. Baka hindi na makalapit ang barko ng Pilipinas sa Escoda dahil nakaposte na ang mga barko ng CCG. Nagkamali ng desisyon ang PCG o ang AFP sa pag-aalis sa Magbanua. Hindi na nakapagtataka na maangkin ng China ang Escoda gaya ng iba pang teritoryo sa West Philippine Sea.
- Latest