Dear Dr. Love,
Isa po ako sa masugid ninyong tagahanga mula sa Hilagang Luzon. Hiwalay po ako sa asawa at mayroon kaming isang anak. Aminado po ako na napikot ko ang mister ko nang pilitin siyang papanagutin sa pagbubuntis ko. Pero bahagi na lamang ito nang nakaraan at naging maayos naman ang aming pagsasama.
Nagbago lang ang lahat ng ayunan ko ang balak niyang mag-abroad dahil na rin sa pag-ayuda ng uncle ko na siyang pansamantalang tutuluyan niya habang naghahanap pa ng mapapasukan sa Amerika.
Sa kalaunan ay kinumbinsi nila ako na ipa-annul ang kasal namin ng aking mister para makapagpakasal siya sa isang citizen na “bride for hire.” At sa sandaling maging legal na ang paninirahan ng mister ko sa US ay saka niya ito ididiborsiyo.
Pero nagtapos ang lahat sa tuluyang pagsasaisantabi sa orihinal na plano dahil napamahal na raw sa asawa ko ang pinakasalan niya at nagdadalantao na ito. Sinakop ako ng matinding galit, Dr. Love dahil nagoyo niya ako. Pero hindi ako maghahabol para sa sarili, kundi sustento lamang para sa aming anak. Balak niyang ipitisyon ang aming anak.
Hanggang dito na lang po at sana’y lumawig pa ang inyong column. Mabuhay po kayo.
Sincerely yours,
Liza
Dear Liza,
Ikinalulungkot ko ang kinahantungan ng iyong pamilya. Pero gayon pa man, manatili ka sanang positibo para sa buhay ninyong mag-ina. Pakawalan mo na ang sarili sa matinding galit na idinulot ng ika mo’y panggogoyo ng iyong mister.
Tungkol naman sa balak niyang pagpitisyon sa inyong anak, pag-isipan mo itong mabuti. Dahil hindi malayong pati anak mo ay mawalay ng tuluyan sa iyo.
Maging maingat ka at ipakita mo na magagawa mo na maibangon ang sarili sa tinamong kabiguan sa asawa.
Regards at thank you for your letter.
Dr. Love
Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area Manila. Mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph Maaari nang mapanood ang pagpapayo ni Dr. Love, bisitahin ang DR. LOVE WEBISODE sa philstar.com.