NAGKALAT na naman ang malalaswang babasahin sa bangketa. Kabilang dito ang mga patakbuhing tabloids na nasa front page ang nakabukangkang na retrato ng mga babae. Isa sa mga malaswang tabloid ay ang Sisid na kinopya pa ang tipo at kulay ng logo ng Pilipino Star NGAYON. Kung titingnan, mapagkakamalang PSN ang malaswang tabloid na ito sapagkat pati ang ginamit na papel ay kasingganda ng kalidad ng PSN. Karangalan naming gayahin pero ang panggagaya ng sisid ang nakaiinsulto.
Babala sa mga tagasubaybay ng PSN na mag-ingat at baka ang madampot n’yo sa newsstand ay ang malaswang Sisid. Nakaabot din sa aming kaalaman, na ang pahina ng PSN ay inaalis at saka pinapalitan ng mga malalaswang pahina kung saan ay naroon ang retrato ng mga babae at lalaking nagsi-sex sa iba’t ibang posisyon, malalaswa ang drowing sa komiks at ang mga kuwentong prosa o nobela ay pawang tumatalakay sa kalaswaan. Pinag-iingat namin ang PSN readers sapagkat pilit na sumasakay sa popularidad ng diyaryong ito ang mga mapagpanggap na publishers at editors ng mga smut tabloids. Ayaw nilang magpakilala at katibayan ang hindi nila paglalagay ng editorial box. Kung naglalagay man, iyon ay hindi totoong pangalan at address para hindi sila matunton.
Bumalik nga ang mga malalaswang babasahin at ano naman kaya ang masasabi ng mga civic oriented groups dito. Kung nakita ng grupong Gabriela ang mga may double meaning na salita sa mga anunsiyo ng produktong alak sa naglalakihang billboards, dapat makita rin nila ang mga malalaswang babasahin na nagkalat ngayon sa bangketa at walang takot na itinitinda. Hindi lamang Gabriela kundi pati na rin ang ibang grupong nagmamalaking mulat sila sa mga nangyayaring isyu sa lipunan. Kung may dapat mang ipag-rali ang mga grupong nagmamahal sa bansa, isama nila sa listahan ang pagrarali laban sa kalaswaan ng mga babasahin.
Wala namang ngipin ang Philippine National Police sa pagsawata sa mga nagkalat na mga malalaswang babasahin. Kung ang pagsupil sa mga masasama ng lipunan ay hindi kaya ng PNP, ano pa ang pagsawata sa pagbebenta ng mga pornographic materials. Pawang pakitang tao lamang ang isinasagawa nilang pagkumpiska at pagsalakay sa mga imprenta ng malalaswang tabloids noong nakaraang Mayo, ilang araw bago sumapit ang elections.
Malaki ang aming paniwala na ang pagtaas ng insidente ng panggagahasa ay may kaugnayan sa mga malalaswang babasahin. Hindi na rin nakapagtataka kung bakit ngayon ay may mga totoy na nangre-rape.