ISA sa mga hindi malutas na problema sa bansang ito ay ang patuloy na pagdami ng kawatan sa gobyerno. Wala itong ikinaiba sa pagtaas ng krimen na hindi masawata. Ang katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan ay palala nang palala at malaking katanungan kung may magagawa pang paraan para madurog ang mga tiwali. Hindi na natatakot ang mga tiwali sapagkat sa simula lamang magaling magbanta ang mga pinuno at kapag tumagal na, wala na ang bagsik at tapang. Kung may nahuhuli mang kawatan, iyon ay ang maliliit lamang. Pawang mga dilis ang nalalambat at ang mga walang kabusugang pating at nakaaalpas.
Nang malathala ang report na isa ang Pilipinas sa may 102 bansang corrupt sa mundo, agad na nasaling ang damdamin ni President Gloria Macapagal-Arroyo at ipinag-utos ang pagtatatag ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na pinamunuan ni Commissioner Dario Rama. Umugong na magkakaroon ng "lifestyle check" sa lahat ng mga government official. Kabilang sa isasailalim sa "lifestyle check" ay ang mga miyembro ng Gabinete, undersecretaries at mga pinuno ng iba't ibang ahensiya at tanggapan.
Subalit mula nang itatag ang PAGC wala nang narinig tungkol dito. Wala nang nakaaalam kung may sumailalim na sa "lifestyle check". Isa na naman bang ningas-kugong kampanya ito ng mga namumuno na kaya lamang itinatag ay para magpakitang-tao? Para lamang masabi na may ginagawa para malupig ang mga katiwalian.
Sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration, Department of Education at marami pang departamento ay grabe ang katiwalian. Maraming mga pating na walang kabusugan at mayroon din namang mga dilis. Ang kakatwa, ang mga dilis lamang ang nalalambat. Gaya ng pagkakalambat sa isang Customs collection officer kamakalawa na lumustay ng P53,214,258.
Subalit dilis lamang ang Customs officer kung ikukumpara sa malalaking pating na naglipana ngayon sa maraming departamento. Bakit hindi ang mga pating ang malambat at maitapon sa aquarium na may rehas?
Kailangang maging seryoso at tapat ang namumuno kung nais malambat ang mga tiwali. Kamay na bakal ang kailangan para madurog ang mga nagpapahirap sa bansang ito.