^

Headlines

EDITORYAL - Matitinding reporma na ang kailangan

The Philippine Star

Patindi nang patindi ang kahirapang nararanasan ng mga Pilipino. Bagsak ang ekonomiya at piso na ngayo’y mahigit P53 laban sa $1. Habang bumabagsak ang piso patuloy naman sa pagsasamantala ang tatlong kompanya ng langis sa pagtataas ng kanilang produkto. Nagbaba nga sila ng presyo subalit 20 sentimos lamang na mas hamak na kapiranggot kaysa sa itinaas nilang 60 sentimos noong nakaraang buwan. Nakadepende na ang buhay ng mga Pilipino sa taas-baba-taas ng tatlong dambuhala.

Sa ganitong senaryo ay wala namang magawa si President Gloria Macapagal-Arroyo na nagselebra ng anim na buwan sa kanyang panunungkulan noong Biyernes. Pero ganoon pa man at anim na buwan na siya sa puwesto wala pa ring maramdamang kaginhawahan ang mahihirap na Pilipino. Kung ano noong panahon ni dating President Joseph Estrada ay ganoon din ngayon.

Nang manumpa noong January 20 ay ang kahirapan din ang kanyang pinuntirya. Iaangat daw ang kalagayan ng mga mahihirap. Nang lusubin nang mga mahihirap na supporters ni Estrada ang Malacañang noong May 1 ay lalo pang lumakas ang pagnanais ni GMA na pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng mga dukha. Inilapit ang sarili sa mga dukha na madalas na pagsamantalahan ng mga ganid na pulitiko. Kamakaila’y pinalaya ni GMA ang maraming supporters ni Estrada at hindi na sinampahan ng kaso. Madalas na ring nagpupunta sa mga squatters areas si GMA, naka-jeans at t-shirt at purong Tagalog ang sinasalita.

Magandang larawan ang pinipilit ipinta ni GMA bilang pagtalima sa kanyang mga pangako. Subalit kailangan din naman ang mabilisang pagkilos upang ang mga ipinangako ay matupad. Hindi rin naman sapat ang bumisita nang bumisita sa mga mahihirap at pagmasdan ang kanilang dinaranas. Kinakailangang baguhin ang kanilang kalagayan upang madama ang kaginhawahang ipinangako. Hindi sapat ang pagdalaw, pakikisalamuha o pagsalo sa pagkain ng nakakamay.

Ngayo’y nakikita ang pagkainip ng taumbayan sa pangakong pagbabago sa kalagayan. Marami ang diskuntento sa urung-sulong na desisyon at walang direksiyong pamumuno. Ang mga kawatan sa gobyerno ay patuloy na namamayagpag, mabagal ang serbisyo sa mga kulang-palad, inutil ang mga opisyal sa pagresolba sa problema ng baha, trapik at pollution.

Tiyak na pamumuno ang kailangan at repormang isasakatuparan para madama ang sinasabing kaginhawahan.

BAGSAK

BIYERNES

HABANG

IAANGAT

INILAPIT

NANG

PILIPINO

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

PRESIDENT JOSEPH ESTRADA

Philstar
  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with