Mananatili ang baha hangga’t may tiwali
Ibinida ni President Bongbong Marcos sa State of the Nation na 5,500 na flood control works ang tinapos ng admin niya.
Idetalye niya sana kung anu-ano ang 5,500 na ‘yon.
Hindi maiwasang magduda ang madla. Kaliwa’t kanan kasi ang baha. Bagong semento man o kalsadang graba, sa mataas man o mababang lugar ay nalulubog sa tubig ulan.
Ninanakaw kasi ang flood control funds. Pinaghahatian ng mga pulitiko at burokrata.
Ang pondo nu’ng 2022 ay P129 bilyon. Halos tig-P500 milyon ang binulsa ng mga taga-supermajority. Lumobo sa P183 bilyon ang pondo nu’ng 2023. Mahigit tig-P700 milyon na sila. Naging P245 bilyon ngayong 2024. Tuloy pa rin ang pandarambong. Halos tig-P1 bilyon sila.
Dahil ninanakaw ang flood control funds, walang natitirang pang-dredge ng mga ilog at lawa. Hindi sinusukat kung ilang cubic meters ng burak at silt ang nade-dredge.
Umaandar lang ang dredger kapag iniinspeksyon ng opisyal kasama ang TV news camera teams, ani dating Senator Ping Lacson. Pag-alis nila, balik sa “parade rest” ang dredger.
Binubulsa rin ng politiko at burokrata ang public works fund: P862 bilyon nu’ng 2022, P1.33 trilyon nu’ng 2023, P1.51 trilyon ngayong 2024.
Apatnapung porsyento nu’n ang kickback, bunyag ni Baguio City Mayor Benjie Magalong.
Hindi pa sila kuntento. Sila na rin ang nagko-kontratista at supplier ng proyekto, dagdag ni Magalong. Kaya 55 percent ang nawawala. Wala silang pagkabusog.
Anang Florante at Laura, “Sa loob at labas ng bayan kong sawi….”
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest