2 sundalo sugatan sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Dalawang sundalo ang sugatan makaraang makasagupa ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro nitong Lunes.
Sa report ni Brig. Gen. Melencio Ragudo, commander ng Philippine Army’s 203rd Infantry Brigade, dakong alas–8:35 ng umaga nang makaengkuwengro ng mga elemento ng 1st Infantry Battalion (IB) ang tinatayang nasa pito hanggang 10 rebelde sa nasabing lugar.
Kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang mga sundalo nang makatanggap ng report sa presensya ng mga rebeldeng NPA na nangha-harass sa pangongotong sa mga sibilyang residente sa lugar.
Agad namang nagresponde ang mga sundalo at nakasagupa ang mga armadong rebeldeng komunista.
Sa kainitan ng bakbakan na tumagal ng 15 minuto, nasugatan ang dalawang sundalo sa balikat at braso na agad nilapatan ng pangunahing lunas.
Narekober sa lugar ng engkwentro ang isang M16 rifle, mga bala ng mga baril, food supplies, mga personal na kagamitan at subersibong dokumento ng kilusang komunista.
- Latest
















