P20 milyon smuggled yosi nasamsam
CAVITE, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang mahigit sa P20 milyong halaga ng mga hinihinalang puslit o smuggled na sigarilyo sa Carmona City, Cavite, kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Carmona City Police Station, kasama ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at nadiskubre ng mga awtoridad ang tatlong inabandonang delivery truck sa Sterling Technopark, Barangay Lantic, Carmona City, Cavite.
Nang inspeksyunin ang mga sasakyan, tumambad sa mga operatiba ang 308 master cases ng mga hinihinalang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga nang humigit-kumulang P20.02 milyon.
Walang naarestong suspek sa operasyon. Agad kinumpiska at inilagay sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga nasabat na kontrabando at mga sasakyan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Nakatakda ring i-turnover ang mga nakumpiskang ebidensya sa mga kaukulang ahensya para sa mas malalimang imbestigasyon.
- Latest
















