Lalaking nangholdap sa kagawad, tiklo

MANILA, Philippines — Arestado na ang isa sa mga suspek sa panghoholdap sa isang kagawad ng barangay na tinangayan ng nasa P200,000 halaga ng alahas at pera, habang naghahanda sa biyaheng patungo sa lalawigan ng Batangas noong bisperas ng Undas.
Sa ulat ng Manila Police District-Police Station 14, ang 29-anyos na lalaking suspek ay isa sa apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo, ay nadakip sa Batangas Street, Tondo, Maynila noong Huwebes ng gabi, Nobyembre 5, sa tuluy-tuloy na follow-up operation, backtracking at forward tracking sa ruta ng mga suspek ng mga operatiba ng Barbosa Police Station.
Nangyari ang krimen sa San Rafael St., Quiapo, Maynila alas-8:00 ng gabi.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naghahanda ang biktimang kagawad ng Barangay 390, ng kaniyang sasakyan upang bumiyahe sana papuntang Batangas noong Oktubre 31, para doon gunitain ang Undas.
Biglang lumapit umano ang mga suspek, tinutukan ng baril at hinablot ang kwintas, relos, at hiningi ang wallet ng kagawad.
Narekober na lamang ang wallet ng biktima sa isang ilog sa Parañaque City at bigong matagpuan ang mga alahas ng mga tauhan ni BPS-14 commander, P/Lt. Col. Rexson Layug.
- Latest


















