Trike driver na nambu-bully, inatado ng kabaro
MANILA, Philippines — Isang 32-anyos na tricycle driver ang nasawi nang pagsasaksakin ng kanyang kabaro na kanyang inaasar at binu-bully sa harap ng isang babae habang naghihintay ng pasahero, kamakalawa ng umaga sa Quezon City.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ay kinilalang si alyas “Montes”, residente ng Brgy. Tandang Sora, QC.
Agad namang naaresto ang suspek na si alyas “Salavia”, 41, may-asawa, tricycle driver at nakatira sa Pleasant View Brgy. Tandang Sora sa lungsod.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CID-QCPD), alas-7:00 ng umaga nitong Martes nang mangyari ang pananaksak sa harap ng isang sanglaan sa Brgy. Tandang Sora.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may matagal na umanong alitan ang biktima at ang suspek dahil sa isang babae.
Habang nakaupo ang suspek sa kanyang nakaparadang motorsiklo at naghihintay ng pasahero ay lumapit ang biktima at patuloy siyang iniinis tungkol sa babae.
Dahil dito, kumuha ang suspek ng distornilyador mula sa lagayan ng mga gamit sa kanyang motorsiklo, at paulit-ulit na sinaksak ang biktima.
- Latest



















