P43.7 milyong ilegal na droga nasabat sa CMEC

MANILA, Philippines — Walong abandonadong inbound parcel na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga ang naharang sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa kahabaan ng Domestic Road, Pasay City.
Batay sa shipment records, nagmula ang mga parcel sa mga sender na nakabase sa Mexico, Canada, India, United Kingdom, Thailand, Malaysia, at Belgium, na may mga nakalistang recipients na may address sa Cavite, Tarlac, at Laguna.
Sa interdiction operation ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) natuklasan ang hinihinalang ilegal na droga sa walong abandonadong parcel.
Nasamsam ang humigit-kumulang 5,222 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, 261 gramo ng hinihinalang cocaine, 482 tableta na hinihinalang ecstasy (MDMA), 1,047 gramo ng marijuana kush, at 1,001 gramo ng ketamine.
Ang shabu, cocaine, at ecstasy ay may pinagsamang standard drug price na P37,712,300.00 habang ang marijuana kush at ketamine ay may pinagsamang street drug value na P6,052,000.00, kaya umabot sa kabuuang halaga ng droga na P43,764,300.00.
Itu-turn over sa PDEA National Office sa Quezon City ang mga ilegal na droga para sa tamang disposisyon.
- Latest























