Ex-DPWH Usec: P120-M ‘balato’ ni Co, 1% lang ng kickback
MANILA, Philippines — Nasa 1% lamang umano ng kabuuang halaga ng kickback ang umano’y P120 milyong balato na natanggap ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo mula kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa mga infrastructure projects ng pamahalaan sa buong bansa.
Ito ang sinabi ni Bernardo nang tumestigo bilang state witness sa kasong graft ni Co sa isinagawang pagdinig kahapon ng Sandiganbayan Fifth Division kahapon na kapapalooban ng P289.4 milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Bernardo, ang naturang halaga ay nakuhang balato kay Co sa loob ng tatlong taon o nasa P45 milyon noong 2023, P50 milyon noong 2024 at P25 milyon noong 2025.
Aniya, ang isang porsiyentong balato ay bahagi ng umanoy “25 percent commitment” na nakatoka kay Co sa bawat DPWH project.
Sinabi pa ni Bernardo bukod sa kanya, ang state witness at dating district engineer ng Bulacan na si Henry Alcantara ay tumanggap din ng one percent na balato mula kay Co mula sa “25 percent commitment.”
Si Co na sinasabing may-ari ng Sunwest Corporation na gumawa ng dike ang siyang Chairman ng House committee on Appropriations bago magbitiw bilang a partylist representative noong Setyembre 2025 nang mabulgar ang multibilyong flood control scam sa bansa.
- Latest





















