Ex-army at 2 pa huli sa drug-bust sa Pasig

MANILA, Philippines — Tatlong indibidwal, kabilang ang isang dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines, ang naaresto sa isang buy-bust operation, at nakumpiskahan ng shabu at matataas na kalibre ng baril sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, Sabado ng madaling araw.
Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang salakayin ang isang poultry supply sa kahabaan ng Eusebio Avenue, Barangay Pinagbuhatan, ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig City Police Station, katuwang ang EPD Intelligence Section at SWAT team.
Dalawa sa mga suspek ay nahaharap sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) kaugnay ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), habang ang ikatlo ay nahaharap sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165.
Narekober ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang P102,000 ang halaga, at ang buy-bust money.
Nakuha rin sa follow-up search ang isang 9mm Glock 17 na may magazine na kargado ng dalawang bala, isang Bushmaster Cal. .223 / 5.56mm na may magazine na may dalawang bala, isang motorsiklo, at isang sedan na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek, ilang cellphone, at iba pang personal na gamit.
- Latest























