Romualdez, inilipat na sa PGH

MANILA, Philippines — Inilipat nitong Sabado si dating House Speaker Martin Romualdez sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila para sa isang independent medical examination.
Si Romualdez ay inalis mula sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, kung saan siya naka-confine mula pa noong Lunes matapos maaresto dahil sa P7.44 bilyong kasong plunder. Ang paglilipat ay alinsunod sa kautusan ng Sandiganbayan upang beripikahin ang findings ng kaniyang mga doktor sa Cardinal Santos.
Ayon sa 3rd Division ng Sandiganbayan: “The court deems it proper to direct an independent examination of accused Romualdez at PGH to verify the medical examination conducted by (his) doctors in Cardinal.”
Nauna nang hiniling ng mga abogado ni Romualdez na manatili muna siya sa Cardinal Santos hanggang magkaroon ng medical clearance bago ilipat sa detention facility.
Habang nasa pagamutan, isinailalim na siya sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Ayon sa mga doktor, kabilang sa kondisyon ni Romualdez ang hypertension, hypothyroidism, Type 2 diabetes, at anxiety attacks.
Sa pagdinig noong Biyernes, sinabi ni Dr. Rosalio Torres ng Cardinal Santos na delikado pa ang agarang paglilipat. Samantala, iginiit ni Cardiologist Dr. Rody Sy na kailangan ng apat hanggang anim na linggo bago mailipat si Romualdez sa detention facility.
Nakatakdang desisyunan ng anti-graft court sa Setyembre 14 ang isyu ng pananatili ni Romualdez sa pagamutan.
- Latest






















