Trike driver utas sa bugbog ng kabaro

MANILA, Philippines — Isang 28-anyos na tricycle driver ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tricycle matapos bugbugin ng kanyang kasamahan sa Quezon City kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat ng Masambong Police Station (PS-2) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-5:20 ng madaling araw nitong Lunes, nang madiskubre ang biktima na si alyas “JR”, ng West Riverside St., SFDM, Brgy. San Antonio, Quezon City na wala ng buhay habang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si alyas “Rex”, 18, binata, isa ring tricycle driver, at nakatira sa Judge Luna St., Brgy. Bungad, QC.
Batay sa imbestigasyon nina PMSg Russell A Sabado at PMSg Bryan Kitt T Senolos ng PS-2, bago ang insidente, nakita sa mga CCTV footage ang pagdating ng biktima na sakay ng kanyang tricycle sa M.H. Del Pilar, Brgy. San Antonio habang nakikipag-iuman naman ang suspek na si Rex, kasama ang ilang kaibigan na sina alyas “George”, at “Jaysam”.
Habang nag-iinuman, nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek na nauwi sa suntukan. Paulit-ulit umanong sinuntok ng suspek ang biktima, na naging sanhi ng pagbagsak nito nang patalikod, pagtama ng ulo sa semento, at pagkawala ng malay. Pagkatapos ay inilagay ng suspek at ng kanyang kasama ang walang-malay na si JR sa loob ng tricycle nito at dinala sa harap ng bahay saka iniwan. Agad namang nadakip si Rex, alas-11:00 ng umaga nitong Lunes, Agosto 3, sa Muñoz Market, Brgy. Veterans, Quezon City. Inihahanda na ang kasong murder laban dito.
- Latest





















