EDITORYAL - Gabayan ang mga bata sa paggamit ng internet
Sa pagdinig kahapon ng Senado kaugnay sa Tacloban school shooting, lumutang ang posibilidad na may “adult groomer” o marahas na online network na nakaimpluwensya sa mga menor-de-edad na suspek. Hindi ito pinal na konklusyon at dapat itong imbestigahang maingat. Pero sapat na itong babala para itanong: sino ang nakakasalamuha ng mga kabataan kapag gumagamit ng internet?
Madaling isisi ang lahat sa isang video game. Madaling sabihin na i-ban ang isang app, burahin ang isang account, o sisihin ang magulang. Pero mas malalim ang problema. Maraming bata ngayon ang lumalaki hindi lamang sa bahay o paaralan, kundi sa harap ng cell phone. Doon sila natututo, naaaliw, naglalabas ng sama ng loob, naghahanap ng kaibigan, at naghahanap ng lugar kung saan sila pakikinggan.
Hindi masama ang internet para sa mga kabataan. Hindi rin awtomatikong masama ang games. Ang problema ay kapag ang bata ay naiiwan mag-isa sa digital world kung saan walang sapat na gabay, walang limitasyon, walang kausap sa bahay, at walang nakapapansin sa pagbabago ng kanyang kilos. Sa ganitong puwang pumapasok ang panganib: groomer, bully, violent content, extremist group, o estrangherong marunong samantalahin ang lungkot at galit ng bata.
Hindi rin patas na magulang lamang ang sisihin. Sa maraming pamilyang Pilipino, ang cell phone ang nagiging pansamantalang yaya dahil kailangang magtrabaho, bumiyahe, magluto, mag-alaga, at maghanapbuhay. Sa rami ng responsibilidad, nagiging pahinga ng magulang at aliw ng bata ang screen. Ngunit delikado kapag ang pansamantalang solusyon ay nagiging pangunahing kasama ng bata.
Maaaring may pagkukulang din ang paaralan. Hindi sapat na turuan ang bata gumamit ng computer. Dapat turuan sila kung paano kumilala ng online manipulation, paano umiwas sa mapanganib na grupo, paano magsumbong kapag may kakaibang mensahe, at paano unawain ang content na kanilang nakikita. Digital literacy ngayon ay hindi lang skill; proteksiyon ito.
May pananagutan din ang gobyerno at tech platforms. Hindi sapat ang mabagal na aksyon kapag may trahedya na. Kailangang mas mabilis ang pag-report at pagtanggal ng content na nanggu-groom, nanghihikayat ng pananakit, o nagtatarget ng vulnerable minors. Kailangan din nang maraming guidance counselors, mental health support, at sistema sa mga batang nagpapakita ng warning signs.
Ang tanong ngayon ay hindi lamang kung gaano ba dapat kahaba ang screen time ng bata. Ang mas mahalagang tanong: kapag nakaharap siya sa screen, sino ang nasa kabilang dulo? Hindi sapat na agawin lang ang gadget sa bata. Kailangang bawiin ang papel sa pagpapalaki sa kanila. Dahil kung hindi matatanda ang gagabay sa kabataan online, may ibang gagawa nito, at hindi lahat nang naghihintay sa kabilang dulo ng screen ay may mabuting intensiyon.
- Latest















