House sa Senado: Pasagutin si VP Sara sa impeach articles

MANILA, Philippines — Naghain na ang House prosecution panel ng mosyon sa Senado bilang Impeachment Court para obligahin si Vice President Sara Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment laban dito.
Ang mosyon ay natanggap na ng Senado nitong Martes ng umaga na nilagdaan ni House Minority Leader Rep. Marcelino Libanan, miyembro ng prosecution panel.
Tinukoy sa mosyon na noong Pebrero 5 ay inindorso na ng Kamara sa Senado ang impeachment laban kay VP Sara matapos na maberipika ang reklamo laban dito na inindorso ng 215 Kongresista at pinanumpaan kay House Secretary General Reginald Velasco.
Kaugnay nito, ini-refer na ni Senate President Francis Escudero ang kahilingan na ito ng Kamara.
“Ire-refer natin ito sa Senate Legal Team at pag-usapan natin ito bukas. Aaksyunan natin ito nang naaayon at sa tamang panahon,” wika ni Escudero.
Matatandaan na pina-impeached ng Kamara si Duterte noong Pebrero 5, na inaakusahan siya ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang matataas na krimen batay sa pitong Articles of Impeachment.
- Latest