Dumadagsa ang illegal drugs!
SUNUD-SUNOD ang isinagawang pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa hideout ng drug traffickers. Nagsasagawa rin sila ng mga buy-bust operation.
Ang resulta, bultu-bultong shabu at ecstasy ang kanilang nakukumpiska na malaking bagay upang mabawasan ang pagkagumon ng mga Pinoy sa droga. Mayroon din silang naarestong drug pushers.
Kamakalawa, nakasabat ang magkasanib na PDEA, NBI at PNP ng shabu na nagkakahalaga ng P816 milyon sa Calapan City, Oriental Mindoro. Nadiskubre ito sa compartment ng kotse. Tumakas ang drayber subalit nahuli rin. Napag-utusan lamang daw siya. Hindi raw niya alam na shabu ang nasa loob ng sasakyan.
Nakakumpiska rin ang PDEA ng shabu at ecstasy sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor, Cavite noong Biyernes. Nakumpiska ang mga droga na nagkakahalaga ng P217 milyon.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, nahuli ang Chinese na si Li nang tanggapin ang marked money ng isang poseur buyer ng PDEA sa parking lot ng isang food chain.
Ayon kay Nerez, matagal na nilang sinusubaybayan si Li. Ang suspek ay may kakayahang magsuplay ng milyong piraso ng ecstasy at bultu-bultong shabu hindi lamang sa Cavite kundi sa Metro Manila.
Sa Binangonan, Rizal, P272 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng PDEA sa isinagawang buy-bust operation at naaresto ang isang nagngangalang Ronald.
Ayon sa PDEA matagal na nilang sinusubaybayan si Ronald hanggang magsagawa sila ng buy-bust operation sa Rizal Cement Village, Bgy. Pantok.
Samantala, 40 pirasong black gold foil packs na may lamang shabu na tumitimbang ng 40 kilos ang nasabat din ng PDEA kamakailan. Ang shabu ay nanggaling sa Myanmar.
Nangangamba naman ako sa nakarating sa aking inpormasyon na maaring gamitin ng ilang pulitiko ang drug money para ipambili ng boto sa nalalapit na May 2025 midterm elections. Posible ito.
Nararapat paigtingin pa ng PDEA, NBI at PNP ang kanilang kampanya laban sa illegal drugs.
- Latest