Pag may nagtatanong tungkol pagsusulat ko,
Kung ‘di raw sa paksa nahihirapan ako,
‘Di nama’t maraming paraan Ang Poet N’yo,
Sa katunayan isang buwan aking bangko!
Kung mapapansin pulitika ‘di ko gusto,
Maikli kasi buhay nya’t sawa na tao!
Nais ko paglipas man ng isang milenyo,
Sinulat ay mauunawaan pa rin n’yo!
‘Di ako gaano sa puna at komento,
Tunay lang o imbento… walang malasado!
Paghahanap ng tawa’t tuwa ang linya ko
Naturalmente, ito kasi ang trabaho!
Simple lang talaga at magugulat kayo,
Waring komedya lang maihahambing ito —
Sa ordinaryo iisa lamang ang takbo,
ABNORMALIZATION OF THE NORMAL? Ay kadamo!
MAMALIIN MO LANG and that’s comedy for you!
“WOW MALI!” ‘Yung aking show natatandaan n’yo?
Kung kaya nga may MALI sa MALIGAYA ‘no!
MALI ang mang-GAYA pero comedy rin ‘to!
Sa araw-araw na lang doon sa aming show
Ay makukunan mo na ng kung ano-ano!
Maraming tao rin kasi kahalubilo
Kung kaya walang katapusang mga kwento!
Nanananghalian kami habang nagso-show!
Basta lahat na lang labo-labo sa kwento!
Tsismisan doon, tsismisan dito… ang gulo!
Para lang nasa kanilang bahay ang grupo!
Kailangan nga lang matalas ang tenga mo
At kapag may kwela isulat agad ito!
Sapagkat kadalasan sa paglipas nito,
Malilimutan o mawawala sa ulo!
At sa bahagi naman ng pag-iimbento,
D’yan na talaga pagaganahin utak mo!
Bigyang-buhay… gawing tao kahit na ano!
Pagsalitai’t pagalawin kahit bato!
Lagyan ng damdamin kahit upo’t repolyo!
Pahugutin mo baboy, baka at kabayo!
Pagkatapos hanapan ng kwela at seryo,
Pananaw mo naman sa ganoon at ganito!
Paano sa paksa masasaid pa kayo?
Basta ba maglaro lang at ‘yon ang sikreto!
Halimbawang ngayon nag-iisip ang PATO
Ng isusulat at problema nya’y kung ano!
Ayu’t nakaisip na s’ya ng isang kwento!
Masaya si Pato at sinabi kay PABO!
“Buhay Dalawa Paa” pamagat ng libro,
Dinikta… sinulat ng kanyang sekretaryo!
Tapos ang aklat makalipas sampung linggo
At naghihintay lahat sa pagbasa nito,
Ang lahat ng dalawa paa ay kumpleto —
EMU at OSTRICH… pati matalinong KWAGO!
Nang book inabot ng MANOK na sekretaryo,
Biglang nagmumura ang galit na si Pato!
Walang maintindihan at ang gulo-gulo!
At tila ba KINALAHIG NG MANOK ito!
At ngayong may alam ka na kahit paano,
At sa pagsulat mga salita gamit mo,
Paglalaro ng salita’y budburan ito,
Magkakaron na ng KWENTA ang iyong KWENTO!