Nanggaling ang pangalan ng prutas na DURIAN
Sa “DURI” at TINIK ang ibig sabihin n’yan!
Sapagkat matinik ang buo n’yang katawan,
MASAKIT… din sa ilong kanyang kamahalan!
KING OF FRUITS tinagurian kung kaya ganyan!
Ngunit hindi National Fruit ng ating bayan!
Pambansang Bungang-Kahoy ay MANGGA hinirang,
Kaya nga mga prutas may konting tampuhan!
Kaya nga MANGO upang sakta’t patamaan,
Ang pinili ni Durian isang kapangalan —
MANGOSTEEN! Maputi’t sa kanyang kabataan!
Mangosteen, the QUEEN OF FRUITS kanyang kamahalan!
Subalit bango ni Mangga at kagandahan,
Mahirap ding makaila ni Haring Durian!
Kaya hanggang ngayon mainit sa tsismisan —
May lihim na tatsulok ng pag-iibigan!
“Opposites attract” hindi ba nga’t kasabihan —
Si Mango MABANGO at MAANGGO si Durian!
Si Mangosteen kaya ay hindi nasasaktan?
Sa kapal ng balat n’ya ang lahat wala lang!
‘Wag magtaka’t si Mangga’y kinababaliwan,
Pinakamagandang pisngi tingnan n’yo naman!
Kaya sila ng Hari ay pinagbawalan,
Butas-butas magandang pisngi pag nahagkan!
Kapag dibdib nga ni Haring Durian binuksan,
Waring nahimbing na Mangga matutuklasan!
Sa bawat alingasaw nya’y pinaaalam
Kay Manggang may asim pa ang nararamdaman!
Maraming ibang prutas pa ang nagparamdam
Upang masungkit ang pansin nitong si Durian —
Si SAMPALOK na kayumanggi pa nga naman,
Mas marami pang kurba ang kanyang katawan!
Subalit may kani-kaniyang kasiraan —
Maitim na buto n’ya ang inaayawan!
‘Di tulad ni Mangga maging kaibuturan…
MABALAHIBO! Nakakanginig ng laman!
Kaya nga si Mangga ay pinagnanasahan!
Kahit nga bubot pa pinakikialaman!
May bango nang taglay kahit sa kabataan,
Himas-himasin man ng asin o alamang!
Umalembong din ang bilugan na si PAKWAN!
S’ya na PINAKAMASABAW sabi kay Durian!
Ngunit tulad Sampalok s’ya ri’y inayawan!
Ang buto’y walang galang na dinudura lang!
Kaya maging si ATIS ay pinanghinaan
Gayong napakaputi kanyang kalooban!
At kanya ring katamisan ay nilalanggam!
Ang kahihiyan n’ya sya’y BUKOL-BUKOL nga lang!
Malamang sa isip n’yo ay may katanungan —
Sa dibdib ba ni Mangga sino nilalaman?
Sa aking nalalaman ‘wag magugulantang —
Mango is a LESBIAN! Kaya nga merong s’yang MAN!